ni Abdon M. Balde Jr.
(Ang nobelang 'Awit ni Kadunung' ay nakatakdang ilabas sa Setyembre 2008. Inilimbag ito ng University of Sto. Tomas Press. Ang siping ito ay isa sa mga kabanata ng nobela.)
Ibalong ni Melendreras
Ipinatong ni Peter ang kamay sa ibabaw ng libro ni Espinas. “Ang Espanyol na galing sa Breve ay narito sa kaliwang pahina at ang salin sa Ingles ni Espinas itong nasa kanan,” palipat-lipat kay Uno at sa libro ang tingin ni Peter habang nagsasalita. “Ipaliliwanag ko ang nilalaman ng bawat saknong sa literal na pagkakaintindi ko rito. Babasahin ko ang Espanyol kapag wala itong literal na salin at puwede nating pagtulungang hanapin ang angkop na salin o kahulugan. Okey?”
Tumango si Uno at si Jesse. Nanatiling nakatanga si Edgar, nakabuka ang bibig, palipat-lipat sa mga kasama ang tingin.
“Ang unang anim na saknong ay salita ni Yling, hinihiling kay Cadugnung na magsalaysay o umawit tungkol sa…” habang nagsasalita’y binubuklat ni Peter ang mga unang pahina ng aklat, “…sa panahon ni Handiong, sa maganda’t mahiwagang rehiyon, tungkol kay Oriol, sa Asog at iba pang bundok, at sa lawa na kinalibingan ni Takay. Heto, sa unang stanza o saknong, ang sabi ni Yling, ‘Ikuwento mo Cadugnung ang kasaysayan ng panahon ni Handiong, at sa pamamagitan ng iyong lira de plata—kulay pilak na lira—ay awitin ang nakalilibang na hiwaga—ng Aslong.’
‘Cuenta Cadugnung, la historia
de los tiempos de Handiong
con esa lira de plata
dulce encanto de Aslon.’”
“Maganda ang pagkasulat sa Espanyol,” puna ni Uno.
“Ang unang stanza ay may tugma, salitan, at may sukat din,” puna ni Jesse, na nakadukwang sa libro, sa tabi ni Peter.
“Mayroon nga,” sabi ni Peter.
Dugtong ni Jesse: “Sa palagay ko’y may sukat at tugma ang orig na Bikol”
“May lira na ba sa Bikol noon?” mabilis na tanong ni Edgar.
Sagot ni Uno, “Sa Bikol, ang pinakaunang instrumentong may kuwerdas at kinakalabit o kinakaskas ay tinatawag na—ano pa kundi kiblit at lutgot—literal na pagkalabit at pagkaskas.”
“Barimbaw ang salin diyan sa Bikol ni Reyes at sa Tagalog ni Sampana,” sabi ni Jesse.
Sagot ni Uno, “Ang salitang barimbaw ay di katutubong Bikol,” sinundan niya ito ng kibit ng balikat. “Heto’ng tatandaan: ang karamihan sa katutubong salita noon ay dalawang silaba lang. Kib-lit, lut-got. Kapag tatluhan o apatan ang salitang ugat malamang hiram, puwedeng dala ng dayuhan. Ang gi-ta-ra, Espanyol. Ba-rim-baw?” muli siyang nagkibit ng balikat.
“Ang kampana ay Espanyol?” tanong ni Edgar.
“Nadale mo, sutil,” sagot ni Uno. “Ang Bikol, bagting—bag-ting. Kuha sa tunog pag binagting, ang kampana.”
“At ang kampanilya?” dugtong ng makulit na binatilyo.
Sagot ni Uno, na nakangisi at nakadilat ang mga mata: “Tiling-tiling!” itinapat ang kanang kamay sa tainga at inuga-uga, “Ti-ling…ti-ling!”
Nang mapansing magkakaasaran na naman ang bata at ang matanda ay sumingit si Jesse, “Pangalan ng ibon ang iling, pero malimit sinasabing isang babae si Yling.”
“Babae si Iling,” paniniyak ni Uno. “Ang Aslong ay dating bundok sa Ligmanan, binaha, dinaanan ng bagyo, inagnas ng tubig at hangin, naging burol, at ngayon alon-along lupa, karaniwang baryo na lang.
‘Isaysay mo Kadunung,
su panahon ni Handiong
saimo man tugtugon
kagayonan kan Aslong.’
Ganoon siguro an suanoy na Bikol,” bigkas ni Uno habang kumukumpas ang kanang kamay sa tugtog na nasa isip lamang. “Maikli ang linya ng mga antigong rawitdawit-Bikol. Pito hanggang walo lamang ang pantig bawat linya. Iyang binabasa mo ay inartehan na lang ng nagsalin sa Espanyol.”
Humahangang tumango-tango si Jesse. “Pitong pantig bawat linya, walang sesura.”
“Nang unang panahon,” dugtong ni Uno, “ang awit at rawitdawit ay kinukumpasan ng mga pinupukpok na bagay: kahoy sa kahoy ang balalong. Kahoy sa balat ang bombo. Kung sayawan padyak-padyak ng paa sa lupa. Konting kumpas ng kamay, ang iminumuestra indak ng dahon sa hangin, salibsib ng bato sa tubig.”
Napapatungo si Peter sa pakikinig sa matanda, tumitindi ang kaniyang paghanga. Hindi niya akalaing marunong ng lumang Tagalog. Muling hinagod ng kamay ang nakabukang aklat. “At ang patuloy ni Yling, ‘Ikaw lamang ang maaaring maglarawan ng kakaibang ganda at ng mga natatagong hiwaga sa kapaligiran ng rehiyong ito.’ Iyan ang bumubuo ng pangalawang stanza.”
“Paano sa Espanyol?” tanong ni Uno.
“Que solo cantar tu puedes
tanta belleza y primor
tantos ocultos misterios
como encierrra esta region.”
Sabi ni Uno, “Papuri sa abilidad ni Kadunung. Ang iba pag-ulit lang sa gayon, sa misteryo kan rehiyon. Masyadong maarte,” naudlot, nakabuka ang bibig ni Uno, tila may mga ibig pang sabihin ngunit pinigilan ang sarili. Nagtama ang tingin nila ni Peter. Makahulugang mga tingin. Pagkatapos ay tumingin sa malayo si Uno. Tuluyang nanahimik. Nagpatuloy sa pagbabasa si Peter.
“Ang pangatlong stanza, ‘Awitin at sabihin sa amin ang tungkol sa mga hari, sa kanilang lahi, sa kanilang katapangan, at sa mga pakikipaglaban hanggang magapi si Oriol.”
Tumango lang si Uno, ang sabi’y maliwanag naman, pagkatapos ay tumahimik na.
Nagpatuloy si Peter, “Ang pang-apat na stanza, ‘Sabihin din sa amin ang kasaysayan ng lumang Asog, ang batang Masaraga at ang matanda nang Isarog.’”
“Ang Asog ay Bundok-Iriga,” sabi ni Uno. “Iraga ang antigong pangalan na ang gustong sabihin pwedeng “sa lupa, o ibaon sa lupa.” May matandang istorya din na sabi ang bayan at bundok ng Iriga ay galing sa Irago—pangalan ng anak ni Aswang sa Gagamban—na mas kilala sa pangalang Oryol.” Namilog ang mga mata ni Jesse. Hindi niya alam ang sinabi ng matanda. “Natanaw natin kanina, bago tayo pumasok dito ang Bundok-Masaraga, nasa pagitan ng Oas at Ligao. Ang Isarog ay makikita sa Ocampo, sa likuran ng Pili. Galing sa mga burabod ng Isarog ang tubig na naging sapa, naging ilog ng Inarihan at Bikol.”
“At sa dalawang huling stanza, sinabi ni Yling, ‘Ikaw na makatang magiliw at mapang-akit, ikuwento mo rin sa amin ang tungkol sa lawa na kinalibingan ni Tacay. Awitin mo at buong giliw naming pakikinggan ang napakaganda mong salaysay habang nakaupo kami rito sa lilim ng puno ng daod.’ Kung ganoon ay nakapaligid sila kay Cadugnung at nakikinig ng kuwento.”
“Lago de Bato, puwede ring Buhi,” sabi ni Uno, “at ang takay ay pwedeng magandang babae. Pero may alamat tungkol sa isang encantada na naging halaman na namulaklak sa ibabaw ng tubig ng Buhi. Mahabang istorya ang hinihiling.”
“Kaya di natapos ang kuwento sa isang araw lamang,” sabi ni Jesse.
Hindi umimik si Uno.
Binuklat ni Peter ang pahina, “Ang mga stanza na binigkas ni Cadugnung ay nagsimula sa ganito: ‘Kung ganoon, mga kabataan ng Bicol, makinig sa kuwento ng magandang bayan ni Handiong’, nanawagan siya sa kabataan, ang ibig sabihin maraming batang nakikinig sa kaniya. Nagkukuwento ba siya sa liwasang bayan? Sa mataong lugar?”
Nakita ni Peter na inginunguso ni Edgar si Uno. “Noong araw pa pala, may gumagaya na sa kaniya.” Inirapan lamang ng matanda ang binatilyo, hindi pinatulan.
“Sabi ni Cadugnung, ‘Ang Bikol ay malawak na kapatagang mataba ang lupa at pinakamasagana sa buong mundo.’ Pagkatapos ay isinalaysay na ang tungkol kay Baltog, ‘Dito’y dumating si Baltog ang kauna-unahang lalaking tumira sa lupaing ito, ‘oriundo de Botavara, de la raza de Lipod’.”
Sabi ni Uno, “Sobra sa katotohanan ang mga awit noong araw. Masyadong maarte. Para makatawag-pansin ng makikinig.”
“Si Baltog nga ba ang unang lalaking tumira dito? Naitatanong sa akin iyan ng mga estudyante. Bakit parang Adan ang dating niya?” tanong ni Jesse. “At isa pang kontrobersiyal na paksa ay kung banyaga nga ba si Baltog.”
“Siguro ang gustong sabihin, unang taong nagpakitang gilas—alam mo na—pag sinabing ‘Iyan ang lalaki!’ Sinasabi, ‘Iyan ang unang lalaki dito!’ Si Baltog ang unang nagpakitang kusog, nagpamalas ng tapang, unang bayaning nakilala sa rehiyon.” Lumagok si Uno ng tubig, mukhang nahirinan. Nang makahinga nang maliwag ay saka nagsalitang muli. “Sa pagiging banyaga ni Baltog, sabi diyan galing sa Botavara. Sinong nakasisiguro? Pero iyong raza de Lipod, ibig sabihin kalahi siya ng mga Tawong lipod. Pwede ring lahi ng mga Tawong lipod ang pinanggalingan bago sumalta sa Bikol.”
“Ginalugad ko ang mapa ng buong Bikol sa paghahanap sa Botavara,” sabi ni Peter.
“Walang Botavara sa Bikol,” dugtong ni Jesse. “Tatlong taon ko nang hinahanap iyan, mulang Camarines Norte hanggang Masbate.
“Wala sa Filipinas, wala sa mga kalapit na bansa,” sabi ni Peter, “Hinanap ko sa mga mapa ng Indonesia, Malaysia, hanggang India, na ayon kay Espinas ay pinanggalingan ni Baltog. Pero wala akong nakitang pook na ang pangalan ay hawig at maaaring panggalingan ng Botavara. Kahit ang Bharata-varsha na tradisyonal daw na pangalan ng India ay hindi malapit sa Botavara. Parang hindi ko matanggap na ang Botavara ay corruption ng Bharata-varsha. ” Sinulyapan lamang siya ni Uno, pagkatapos ay tumingin sa malayo.
Nang mahalatang hinihingan siya ng paliwanag, ang sabi ni Uno, “May basehan ang pagsasabing raza de Lipod si Baltog. Pero ang Botavara, kung walang ganyang lugar ay bungang isip na kailangang imbentuhin.”
Nagpatuloy si Peter sa pagsasalaysay.
“Sinasabi sa sumunod na stanza, ‘Hinabol-habol ni Baltog sa buong Kabikolan ang isang mabangis na baboy damo na isang gabi’y sumira ng pananim niyang linza. Nang kaniyang masukol ay itinarak sa lupa ang dalang sibat at sa pamamagitan ng lakas ng kamay lamang ay winasak ang panga nito.’ At sa sumunod na stanza inilarawan ang hayop, ‘Bawat panga ay isang vara ang haba at ang pangil ay ikatlong bahagi ng kaniyang sibat.’”
Sabi ni Edgar, “Wow! Mano-a-mano.”
Inirapan siya ni Uno, “May mano ba ang baboy?”
Tumahimik ang binatilyo.
“May ganoong bravado ang mga bayani ng koridong napag-aralan ko,” sabi ni Jesse. “Iyon bang kapag nabali ang espada ng kalaban ay itinatapon na rin ng bida ang kaniyang espada upang pantay ang labanan, hindi masabing nakalamang kaya nanalo. Sa Doce Pares, noong nalaglag sa kamay ni Konde Oliveros ang espadang Altaclara, hinayaan muna ng kalabang si Fierabras na muling makuha ni Konde Oliveros ang armas bago sila muling mag eskrimahan. At nang nahulog sa kanyang kabayo si Fierabras at nabitiwan ang espada niyang si Floranza, hinintay muna ni Konde Oliveros na si Feirabras ay muling makapangabayo’t makahawak ng espada bago ipinagpatuloy ang labanan.”
“Ay, ganyan din si FPJ sa pelikula,” sabad ni Edgar, “pero sa totoong buhay, ay, bakit pa makikipag-ala-swerte?”
“Kabalyero ang mentalidad kaya ganyan. Iyan ang gustong ipagaya sa atin ng mga Kastila. Pero sila mismo, di naman nila ginawa, sabi ni Uno. “Ang mga salbahe.” Tapos na siyang kumain. Uminom ng tubig at tumingin sa malayo, parang may inaapuhap na alaala.
At muling sumingit si Peter. “Ayon sa sumunod na mga stanza, ‘Inuwi ni Baltog ang baboy damo at ibinitin ang dambuhalang panga sa puno ng talisay sa tabi ng kaniyang bahay sa Tondol upang makita ng mga tao. Maraming humanga sa kabayanihan ni Baltog, na ipinalagay na siyang tunay nilang hari. Maraming mangangasong mula sa mga tribong Panikwason at Asog ang naglakbay upang makita ang hayop. Sa kanilang palagay ay walang kasinlaki ang panga na kanilang nakita. Tinawag nila itong Tandayag na galing sa bundok ng Lingyon dahil tumutugma sa napabalitang halimaw na nakita roon.’ At doon natapos ang salaysay tungkol kay Baltog. ”
“Biglang tinapos ang tungkol kay Baltog,” sabi ni Jesse.
“At kaagad nang idinugtong ang kuwento ni Handiong,” sabi ni Peter, bumaling siya kay Uno, “Hindi sinabi kung saan na pumunta si Baltog, hindi inihanda ang nakikinig sa pagdating ni Handiong.”
Bago sumagot si Uno ay dinukot sa panlikod na bulsa ng maluwag na pantalon ang isang munting pitaka na yari sa hinabing dahon ng buri. Hinugot ang pinakatakip at inilapag sa ibabaw ng mesa.
“Ayay, ugbason, mag-nganganga,” sabi ni Edgar.
“Gusto mo?” alok ng matanda sa binatilyo, nanunuya.
Hinugot sa loob ng pitaka ang isang malapad na dahon ng ikmo, inilapag sa mesa. Pagkatapos ay inilabas ang manipis at bilog na lata ng Vicks Vaporub, binuksan, at kinawit ng hintuturo ang lamang mamasa-masang durog na apog, ipinahid sa dahon ng ikmo. Bumunot ng maskada, ipinatong sa ibabaw ng dahon. Isang pirasong bunga ang inilapag din sa ibabaw ng dahon ng ikmo. Habang binibilot ang ikmo na may palamang apog at tabako ay palipat-lipat ang tingin kay Peter at kay Edgar. Nagtataka mandin si Uno na ngayon lamang nakakita ng paggawa ng nganga ang mga kasama. Lahat ng mata’y nasa binibilot na ikmo. Nang isubo ni Uno ang nganga at nagsimulang ngumuya, ay nakaramdam si Edgar ng pagtubig sa loob ng kaniyang bibig. Napapangiwi si James sa panonood sa matandang naniningkit ang mata habang hinahagilap ng dila ang lasa ng nginanganga. Napapalunok ng laway si Peter. Sabi ni Uno, “Nasaan na ba tayo?”
“Naroon na tayo sa pagdating ni Handiong,” sabi ni Peter.
“Nagtataka kayo kung bakit biglang natapos ang salaysay ni Baltog.”
Tumango ang apat. Si James at Edgar ay nakatingin pa rin sa bibig ng matanda na nag-uumpisang mamula sa laway na dumadaloy sa labi at hinahabol ng namumulang dila.
Sabi ni Uno, pagkatapos pahirin ng likod ng palad ang laway na hindi nahabol ng dila, “Ang mga awit noong unang panahon ay maarte, malalalim na salita ang gamit para mapahanga ang nakikinig. Kaya nagkakaputol-putol ang istorya, sa kagustuhang sundan ang arte ng naunang mga linya. Durudyaros nalalawgaw—naliligaw ang istorya sa mabulaklak na mga palabra. Nababagahe ang istorya. Isa yan sa mga rason,” pagkatapos ay iniligid ang kaniyang tingin. Nang tila hindi makita ang hinahanap ay bigla na lamang na umakbay sa katabing barandilya at dumura. Ang idinurang mapulang laway ay sinundan ng tingin ni Edgar hanggang lumagpak sa nagkukulay-lungting tubig.
“Patay ang isda,” bulong ni Edgar.
Hindi siya pinansin ni Uno, pinahiran ang labi at nagsalitang muli, “Ang pangalawang rason: Puwedeng hindi nahabol ng nagsulat ang istorya ni Kadunung. Puwede ring nakalimutan ang ilang parte ng istorya tungkol kay Baltog. At kung pumaltos ang memorya, hindi naisulat, ay paano maisasalin sa Espanyol? Ano ang laman ng unang parte? Dumating sa Bikol si Baltog, namuno, naging bantog, naging hari. May tandayag na opon, umatake sa linsa. Hinabol ni Baltog at nang abutan ay rinapak—winasak ang panga, tigbak. Tapos ang kwento! Kulang-kulang ang istorya, anong gagawin? Iyon lang ang nakaya ng sumulat. Hintayin ninyo ang istorya ko, kompleto. Para mientras, kay Handiong na tayo.”
“Iyon na nga,” patuloy ni Peter, “At dumating sa Bicol si Handiong kasama ang kaniyang mga mandirigma at kaagad nang nilipol ang mga halimaw. Libong sagupaan ang nangyari upang mapuksa ang mga halimaw, at palagi silang nagtatagumpay. Ang mga halimaw sa Ponon na iisa ang mata ay walang tigil nilang nilabanan sa loob ng sampong pagbilog ng buwan hanggang mapuksang lahat. Sinupil ang may pakpak na pating at mababangis na kalabaw. Ang mga buwayang sinlaki ng bangka at ang mababangis na sarimao ay itinapon sa Colasi. Ang mga ahas na umaawit, parang sirena, nang-aakit, ay inihulog sa kailaliman ng yungib ng Hantic.’ Ayon, katakot-takot na labanan ang kaagad sinagupa nina Handiong.”
“All-out war,” sabi ni Edgar, “parang Iraq invasion!”
“Subalit isang ahas ang hindi matalo—ang mailap na si Oriol; mas tuso kay Handiong, ang nakabibighaning mga mata’y totoong nakagagayuma. Libong bitag ang naiwasan. Malimit si Handiong ang naaakit at nalilinlang. Maraming ulit na hinabol-habol ni Handiong ang tusong si Oriol sa kagubatan dahil sa nakaaakit nitong tinig, ngunit nasayang lahat ang kaniyang pagpupunyagi.”
“Anong klaseng ahas iyan? At bakit naman mahuhumaling sa ahas si Handiong?” si James ang nagtanong, nakatayo siya’t inaalalayan ang camera na patuloy kumukuha ng pelikula.
“Nababago ni Oryol ang itsura,” paliwanag ni Uno. “Pag gustong mang-akit, nagiging tao, magandang babae ang itaas na parte ng katawan. Mahaba ang buhok, nakakalumay an mata, ang boses, puti ang balat, magayon an dodo. Alagad media cuwerpo cerpiente. Mulang baywang pababa ay ahas na nag-iiba-iba ang kolor ng kaliskis; bumabagay sa ginagapangan ang kolor at kaliskis. Kaya dipisil mahuli.”
“Ngunit, nagbago ng loob si Oriol,” patuloy ni Peter, “tumulong siya kay Handiong upang magapi ang mga halimaw sa Kabikolan. Nakipaglaban sila nang brazo-a-brazo sa mga dambuhalang buwaya hanggang nagkulay dugo ang agos ng ilog Bicol. Ang mababangis na bakulaw at orangutang ay nasindak at nagsipagtago sa Isarog. Nalipol nila ang mga halimaw sa Kabikolan.”
“And they lived happily ever after,” sabi ni Edgar, sa nababagot na tinig.
“Dumale ka na naman, di alam ang sinasabi,” singhal ni Uno.
“At heto na naman, bigla na lamang tinapos ang tungkol sa mga halimaw, pati si Oriol ay naglahong parang bula sa salaysay,” sabi ni Peter. “Sa loob ng isang saknong ay pinaghalo ang pagkawala ng mga halimaw sa rehiyon at ang pagtuon ng interes ni Handiong sa paggawad ng batas para sa mga bayan-bayan.”
“Nasabi ko na,” susog ni Uno, “sa paghahabol ng metro, rima, nasasakripisyo ang takbo ng istorya. Puwedeng sa orihinal na rawitdawit may mga salitang dapat magtugma para maganda sa pandinig—di natin alam. Ang nabasa mo’y salin lamang sa Espanyol. Walang kasiguruhan kung literal o nagsasariling arte ang nagsalin, kung prayle man siya. Kabisado natin ang abilidad ni Melendreras; may mga sinulat siyang canto at poema noong nakadestino sa Buhi at nabaliw sa bulaklak na takay. Pero kung si Castaño iyang nagsalin, aywan,” umiling-iling ang matanda. “Sige, ituloy mo ang pagsuysoy sa awit.”
“Iyon na nga, nang mawala ang mga halimaw sa rehiyon, ang pinag-ukulan ng pansin nina Handiong ay ang paglikha ng mga batas at ang pagsasaka, paghahalaman. Nagtanim ng linza na ang bunga’y sinlaki ng pansol. Sa mabababang kapatagan ay nagtanim ng palay na paglipas ng maraming siglo ay nakilala sa pangalang Handiong.”
“Hinandyong ang bigas,” sabi ni Uno, “pero inda kun igwa pa, wala na yata ngayon. Mga bigas ngayon de-numero na. Parang piyesa ng trak.”
“Tulad ng C4,” sabi ni Jesse.
“C4, explosive iyon,” sabi ni Edgar, walang pumansin sa kaniya.
“At ayon sa salaysay, gumawa sila ng unang bangka na naglayag sa Ilog-Bikol?”
“Hindi primerong bangka,” paliwanag ni Uno, “siguro unang ganoong itsura o modelo. Iba ang ku’git, ibang tamaño, ibang olin.”
Dugtong ni Peter, “Na ang ugit at layag ay gawa ni Ginantong—na siya ring umimbento ng araro, ng suyod at ng pa-gulong, ng ganta, ng mga pansukat na sacal, bolo at landok.”
“Mga lumang gamit,” sabi ni Uno, “di na ginagamit ngayon.”
“Sa bahaging ito ang salaysay ay natuon na sa mga taong may kani-kaniyang likha,” patuloy ni Peter, “si Hablom ang lumikha ng panghabing may palangka na labis ikinamangha ng marami nang ihandog niya sa hari. Ang agta na si Dinahon ang lumikha ng tapayan, palayok, kalan, paso at iba pang gamit pambahay. Likha ni Sural ang pagbabaybay at pagsulat sa pamamagitan ng pag-ukit sa batong galing sa Libon, na pinakintab naman ni Gapon. Gumawa sila ng mga moog na magkakaiba ang ugma at nakabitin sa mga sanga ng punong banasi at camagon. Doon natitiis nila ang init ng araw, ang pananalakay ng mga insekto. At pagkatapos nito’y bumalik ang salaysay sa isang saknong na nagsasabing ang mga batas na ginawa nila’y makatarungan sa buhay at dangal at pinaiiral sa lahat, walang kinikilingan.”
“Hindi maayos ang pagsusuysoy ng istorya,” sabi ni Uno. “Gusto lang ipahayag ang mga ginawa noong tiempo ni Handiong.” Pagkatapos ay muling nanahimik, habang patuloy ang pagnganga.
“At biglang dumating ang diluvio—pagbahang likha ni Onos—na nagpabago sa hugis ng kalupaan. Sumabog ang mga bulkang Hantic, Colasi, Isarog, kasabay ng kahindik-hindik na paglindol. Laganap ang kapahamakan: ang lupang iniwan ng dagat ay naging tangway ng Pasacao, humiwalay sa kalupaan at naging pulo ang Malbogon—na tahanan ng mga balyanang sina Hilan at Lariong. Ang kalakhang tubig ng Inarihan na dati’y dumadaloy patungong Ponon ay nagbago ng landas patungong Silangan. Sa Bato ay lumubog ang matayog na bundok, at ang kinalubugan nito’y naging lawa na nagkaroon ng isdang nag agdong-buhay sa Ibalon.”
“Binanggit din pala ni Kadunung ang Ibalong,” sabi ni Jesse. “Akala ko’y galing lamang kay Panganiban ang pangalang iyan.”
“Binanggit, pero hindi ito ang pamagat ng awit,” sabi ni Peter. “Sa pagpapatuloy, sinabing naglaho sa lawa ng Calabagnan ang Dagatnon, pook ng mga dumagat na tumira sa Cotmon.” Muling tumingin kay Uno si Peter. “At dito, ang salaysay ay muling huminto, lumipat sa paglalahad tungkol sa panahon ni Bantong, ang pangatlong bayani sa salaysay.”
Matapos idura ang namuong laway sa bibig ay saka nagsalita si Uno, “Mapapansin na ang istorya’y basta naka-camada, hindi nagkakasunod-sunod sa panahon, dis-enteresado sa tiempo. Kaya bagay pagdudahan kung ito ay matapat na pagkasulat ng salaysay ni Kadunung. Ganyan man iyan, makikita ang itsura ng lupain, ang mga importanteng pangyayari, at ang kabayanihan ng mga sinaunang lahi natin. Hindi pa tapos ang awit.”
Tumango si Peter, “Ang huling bahagi ay tungkol kay Bantong, ang magiting na kaalalay ni Handiong. Nang panahong iyon ay mayroong isang nilikhang kalahati tao, kalahati halimaw na napakabangis at may kapangyarihang mahiwaga—engkantado at mapanlinlang. Rabot ang pangalan ng halimaw. Lahat ng naunang mandirigmang nagtangkang sumalakay ay naging bato dahil sa engkanto ni Rabot. Napag-alaman ni Bantong na kahit araw ay matakaw sa tulog si Rabot, walang pag-iingat. Isang araw, malakas ang buhos ng ulan, napasok nina Bantong ang lungga ni Rabot at bago ito nagising ay hinati ni Bantong ang halimaw sa isang tigpas lamang ng minasbad. Ang malakas na atungal ng halimaw ay narinig ng mga tao hanggang sa mabakawang panig ng Bognad at Camagon. Dinala nila ang bangkay ng halimaw sa Libmanan, ipinakita kay dakilang Handiong. Lahat ng nakakita’y nasindak sa nakapangingilabot na itsura.” Tumigil sa pagsasalaysay si Peter, muling binalingan si Uno, “At dito tumigil si Cadugnung, ipinagliban sa ibang araw ang pagpapatuloy ng kaniyang salaysay.”
Sabi ni Jesse, “Hindi na nadugtungan ang awit ni Kadunung. Sa klase ko’y malimit itanong ng mga estudyante kung bakit nabitin nang ganoon na lamang ang salaysay.”
“Ang sagot ni Sir Jesse: Siguro ay hindi na naisalin, hindi naisulat ang kadugtong,” sabad ni Edgar. “At itatanong naman namin, Bakit walang nag-survive na kuwento tungkol sa kadugtong?”
“May karugtong ba?” si James ang nagtanong, habang nakasilip sa monitor ng camera.
“Ang ipinagtataka ko rin ay kung bakit walang kadugtong na kuwentong naging bahagi ng mga alamat, o kuwentong bayan natin,” sabi uli ni Jesse.
Lahat sila’y muling sumulyap kay Uno, naghihintay ng kasagutan. Nagkibit ng balikat ang matanda bago sumagot. “Si Bantong ang simbolo ng kabataang heredero ng lahi. Ang pagpaslang kay Rabot ay importanteng tanda ng katapusan ng mga halimaw na galing sa Gagamban. Sa panahon ni Bantong, tuluyan nang nalipol ang mga tandayag, ang mga mampak, ang mga impakto ni Aswang. Tahimik na ang Bikol. Wala nang panganib sa dagat at gubat na di kayang harapin ng ordinaryong tao.” Naudlot sa pagsasalita, dumura sa tubig si Uno, “Babaguhin ko ang huli kong sinabi: May panganib pa rin sa kapatagan at kasukalan, ngunit ibang uri na ng mga panganib ang susuungin ng mga bagong tao.”
“Mga bagong pakikipagsapalaran,” sabi ni Jesse.
Umiling si Uno. “Pansinin na noong unang panahon, ang mundo ay pwedeng hatiin sa mga nilikhang mabubuti at masasama. Malinaw ang hatian: Sa panig ng mabuti, naroon si Gugurang sa Kamurawayan, si Okot na bathala ng kagubatan at si Magindang na nangangalaga ng karagatan. Sa panig ng masama, naroon sa Gagamban ang mga halimaw sa pamumuno ni Oryol at ni Aswang.”
“Si Aswang, as in aswang?” sabad uli ni Edgar.
“Si Aswang ang pinakapinuno ng Gagamban, na palaging lagom sa kadiliman. Ang aswang na sinasabi mo ay bunga ng imahinasyon ng mga taong naniniwala’t gustong maging kampon ni Aswang, akala’y magkakaroon sila ng kapangyarihan,” umiiling-uling si Uno habang nagsasalita, “Pagdating ng bagong panahon, ang kabutihan at kasamaan ay nasa loobin na ng bawat tao. Depende sa kaniya kung alin ang susundin.”
Nasa isip na naman ni Peter ang sinabi ng Tao na kaharap niya noon: “…ang kasamaan at kabutihan ay nasa kalooban ng bawat isa; sa labas, ang mundo ay umiinog nang hindi kumikiling saan mang panig.” Bakit ganoon din ang sinasabi ni Uno?
“Ang tunggalian ng kabutihan at kasamaan ay nasa kalooban na ng tao.”
“Tayo, ikaw, ako, mabuti’t masama?” tanong ni Jesse.
Tumango si Uno, “Depende sa motibo, sa gusto mong gawin, sa sitwasyong kinalalagyan mo. Ang mandirigmang moro ay bayani sa kanilang bayan, pero mamamatay-tao sa mata ng mga Kristiyano. Kahit ang mandarambong ay nagkakawanggawa kapag yumayaman.” Muling dumura si Uno at pinahid ang laway, “Ngunit nalalayo tayo sa pinag-uusapan. Ang mga pangyayari pagkatapos ng panahon ni Bantong ay maaaring maging laman ng ibang awit, ibang aventura. Ngunit itong inumpisahan ni Kadunung ay pwede ngang magtapos kay Bantong. Nagmumukhang hindi tapos dahil hindi maayos ang pagsalaysay. Putol-putol ang mga kuwento at sa unang akala’y nagpahinga lamang ang nagsasalaysay. Ang mga sumunod na pangyayari ay maaari nang ibukod at gawing ibang awit.” Pinahid na muli ang namuong laway sa labi, “Ang intensiyon ba ninyo ay ituloy ko ang salaysay ni Kadunung?”
“Kung may maidudugtong kayo.”
“Ang mas importante, hindi ang kadugtong kundi ang simula at ang mga nakalimutan, mga dapat ituwid na pagkakamali,” sabi ni Uno. “Halimbawa, saan galing ang mga halimaw sa Kabikolan? Saan galing si Baltog? Wala ba siyang ibang nagawa maliban sa pakikipagbuno sa Tandayag na Opon? At bakit nagbagong-loob si Oryol? Ano ang naging relasyon niya kay Handiong?
“Nang una kong nabasa itong libro ni Espinas ay nasindak ako sa dami ng halimaw na binabanggit sa kabanatang tungkol sa sobrenatural na daigdig ng sinaunang Bikolano,” sabi ni Peter. “Galing pala ito sa sinulat ni Castaño, ang Breve na ang salin ay ‘Maikling ulat tungkol sa pinagmulan, pananampalataya, paniniwala at pamahiin ng mga sinaunang Indio sa Bicol’ Mga pananaliksik ito ni Castaño mulang 1871 hanggang 1894 nang maitalaga siya bilang isang misyonerong Fransiskano sa Camalig, Pili, Quipayo, Baao at Libmanan.”
Sabi ni Uno, “Nang dumating ang mga Espanyol, ang dala’y krus ng Iglesia Catolico Romano at espada ng conquestador. Ang sabi sa Bikolanong timawa, mamili ka: krus o espada? Krus, luluhod ka lang, bibindisyonan ka pa ng mga prayle. Kakanta, magdarasal, muy bien ka sa kanila. Pero pag lumaban ka, kung di ka abutan ng espada, patay ka sa putok ng arkebus, saan ka? Ki Gugurang o ki Kristo? Ki Kristo ka na lang. Pero may mga lihim pa ring nagpatuloy sa suanoy na paniwala, sikretong sumasamaba sa anito, nagsasantigwar.” Habang nagsasalita si Uno ay makailang-ulit tinangkang sumingit ni Edgar, ngunit palagi siyang napipigilan ni Jesse. Kaya patuloy na nakapagsasalita ang matanda nang walang istorbo. “Pero may mga prayle rin, katulad ni Castaño, ni Marcos de Lisboa, ni Melendreras na sa sarili nilang panahon at interes ay nagsaliksik tungkol sa mga inabutan nilang kultura at literatura. Kaya may awit na nakasulat, sa Espanyol nga lang.”
“Mabuti na lamang at may mga ganoong prayle,” sabi ni Jesse.
“Mabuti at masama,” agad na sagot ni Uno. “Mabuti at may nakatala, katulad ng istorya ni Baltog at Handiong, katulad ng nananatiling istorya nina Gugurang at Aswang, katulad ng mga alamat. Masama porke maraming mali na nang tumagal ay naipagkakamaling katotohanan.”
“At mayroon pang tulad ng Fransiskanong si Apolinar Pastrana Riol na gusto tayong paniwalain na ang kuwento ni Baltog ay kathang-isip lamang ni Bernardino Melendreras.”
“Sa palagay mo, ang isang prayleng may obligasyon at tungkuling magpalaganap ng relihiyon nila ay siya pang lilikha’t magkakalat ng mga mito at alamat na magbabalik sa katutubong pananampalataya?” Nakita ni Uno na ibig na namang sumabad ni Edgar ngunit sinasaway siya ni Jesse. “Jesus, pabayaan mo nga iyang si Gado,” tumingin kay Edgar, “Aber, ano na namang kabalbalan ang gusto mong sabihin?”
“Ay, ano po, sa haba ng kuwentuhan ninyo, malapit na tayong abutan ng pananghalian. Alas dose na. Dito po tayo kakain?”
Si Abdon M. Balde, Jr. ay ipinanganak sa liblib na nayon ng Busac, Oas, Albay. Nagtapos ng B.S. Civil Engineering, siya'y isang inhinyero na pagkatapos ng 33 taon sa konstruksyon ay tumugon sa mapang-akit na tawag ng Musa ng Panitik. Kasalukuyang Kagawad ng Lupon sa Wika at Salin ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA) at isang Direktor ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Nanalo ng National Book Awards ang kaniyang mga aklat na Mayong at Hunyango sa Bato, nagawaran ng Rokyaw Ibalong Bikol Achievement Award in Literature at nanalo sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature sa kategoryang Maikling Kuwento. Nakatira siya ngayon, kapiling ang pamilya, sa 18 Dao St. Casimiro Village, Las Piñas City at ang kanyang e-mail address ay kadunung@yahoo.com.















1 Review(s):
WHAT IS THE MAIN STRENGTH OF ASOG CULTURE IN IBALONG AS A POST-COLONIAL THEORY?
Post a Comment