Saturday, July 5, 2008

Ang Sandali ng mga Mata

ni Alvin B. Yapan

(Ang nobelang 'Ang Sandali ng mga Mata' ay nanalo ng Juan C. Laya for Best Novel in a Philippine Language sa 2006 National Book Awards. Ito ay inilimbag ng Ateneo de Manila University Press.)

Kabanata 1: Ang Libing ng Isang Saging

Sa pagkabigla noon ng buong bayan ng Sagrada, namatay si Estela nang dahil sa isang lubid na parang sawang lumingkis sa kaniyang kayumangging leeg. Nakapulupot ang buntot ng lubid sa kahoy na pag- papakuan sana ng kisame sa papatapos pa lamang na bungalow ng mga Peña.

Nang buksan ang kaniyang kuwarto, nagitla ang ina niyang gigising sana sa nag-iisang anak na hindi na natutong bumangon nang kusa para sa agahan. Nang daluhan ng asawa, hinahatak na nito ang mga paa ni Estela. Hinihila ang anak pababa. Napakalakas ng pagka-kahatak ng ina kaya bumakat ang lubid pati sa leeg ng kaluluwa ni Estela, na nakita ko kinagabihan nang araw ding iyon. Pasalamat na lamang ng ama ni Estela at napigilan niya agad ang asawa, kung hindi marahil nahila na ang katawan ng anak nila at naiwan ang ulo sa itaas, nasisilo ng lubid na parang sawang ayaw iluwa ang nalulong ulo ni Estela.

Kung alam lamang ng ama ni Estela kung paano ko siya nakasa-lubong nang hapong iyon, ilang oras lamang bago siya nagpakamatay. Naglalakad si Estela pauwi; naglalakad sa karaniwan niyang tikas na nakikisuyo sa sinumang makakasalubong na bigyan siya ng daan. Marahan at tiyak ang kaniyang mga hakbang habang sukbit sa balikat ang isang bag na parang hindi na nawalan ng laman. Sumasayaw ang itim at ga-balikat niyang buhok sa daluyong ng kasalubong na hangin. Nagmano pa nga siya sa akin. May ngiti sa kaniyang labi. Subalit nang lingunin ko upang hangaan ang lihim na nobya ng aking si Boboy, wala akong nakitang ulo sa naglalakad niyang katawan. Pugot ang kaniyang ulo na hindi ko alam kung saan napunta.

Noon pa lamang alam ko nang mamamatay si Estela. Hinabol ko siya. Isusuot ko sana ang gamit kong sumbrero sa kaniyang leeg na walang ulo upang pigilan ang nakatakda niyang kamatayan. Ngunit nahuli ako. Nang makalapit ako sa kaniya, meron na uli siyang ulo. Narinig ko na lamang ang biglang pag-alulong ng aso sa tabi ng daan. Doon sa tabi ng sementado nang daan ng Sagrada. Doon sa tabi ng daan kung saan salit-salit dating nakahanay sa magkabila ang naglala-kihang puno ng akasya at nagtataasang puno ng ilang-ilang, na napalitan na ng mga poste ng Casureco at siya na ngayong dapuan ng mga maya.

Nang gabing iyon, pagkatapos maibaba ang bangkay ni Estela, nakita ko siyang muli: nakaupo sa hagdang semento ng bungalow. Sa kabahayan, maririnig ang panangis ng kaniyang ina na hindi nailabas nang hapong iyon sa kabiglaanan. Tinabihan ko si Estela at tinanong kung bakit siya nagpakamatay. Hindi siya nabigla nang kausapin ko. 
“Tama nga pala ang sabi nina Boboy. Nakakausap mo ang mga patay.”

Albularyo ang pagkakakilala nila sa akin sa Sagrada. Iyon ang ibinansag nila sa mga ginagawa ko; ibinilang nila ako sa mga albularyo. Hindi nila maintindihan na hindi ako ang gumagamot sa kanila. Nagtatanong lamang ako at nakikiusap sa mga nilalang na may higit na kaalaman. Ang mga kaluluwa, ang mga lamang-lupa at mga duwende ang dapat nilang pasalamatan sa halip na katakutan. Kaya mahirap magpaliwanag. Gumagamit na lamang ako ng mga dahon, damo, at bunga. Sa harap ng may-sakit, para sa mga kaluluwa ang aking mga salita at para sa mga tao ang anumang ibibigay ng paligid.
Muli kong tinanong si Estela kung bakit siya nagpakamatay. Tiningnan lamang niya ako at tumayo.

“Saan ka pupunta?”

“Sa gubat,” sagot niya.

Sa gubat ng Sagrada pumunta si Estela. Kaiba sa gubat na pinun-tahan ni Nene sa pamamaalam nito sa Sagrada. Kailangang linawin, dahil napakaraming gubat sa bansang ito ng Filipinas.

Isa si Nene sa mga dahilan ng pagluwas ko sa Maynila at pag-alis sa Sagrada. Iniwan ko ang Bicol pati ang mga kagubatan niya. Matagal ko nang pinagsisisihan ang pagkamatay ni Boboy na sumunod sa pagpapakamatay ni Estela. Umaasa na lamang ako ngayon na masasagip ko ang kaniyang ina sa sinuong nitong gubat dito sa Maynila; hindi katulad ni Estela na marahil naging biktima rin ng kamandag ng aking kuwento. Ngunit paano ko ba malalamang ganoon kalakas ang paglingkis ng sawang si Oryol?

Nene ang kaniyang pangalan. Maria. Nene. Isang pangalang matagal ko na ring hindi sinasambit. Umaasa akong masasagip ko pa siya at kahit paano’y mabawasan ang biktima ng aking kuwento. Nang isalaysay ko kay Nene ang kasaysayan ng pamilya Nueva at ang kuwento ng Ibalong kay Boboy, dalawa, tatlo, o higit pang buhay marahil ang nasawi. Hindi ko lamang alam dahil mapanlinlang ang kamandag ng isang sawa.

Nangako akong hindi na muli.

Hindi na muli. Hanggang ngayon.

Hanggang dito sa Maynila. Dito sa Maynila, dito sa ikalawang palapag ng lumang gusaling kahoy pa ang sahig at mga dingding na naghihiwalay sa bawat kuwarto, hindi katulad ng umiipit at puma-palibot na mga paupahan para sa mga beauty parlor, grocery, pala-bahan, klinika ng doktor, at tanggapan ng abogadong nagsasideline sa notaryo, na dapat pa nga sigurong pasalamatan dahil gigiray na’t magigiba ang inuupahan kong gusali kung walang umiipit dito; dito sa ikalawang palapag na katatanawan ng magkakaharap na gasoli-nahan ng Petron at Shell, magkaharap na kainan ng McDonald’s at Jollibee, magkaharap na Dunkin’ Donuts at Mister Donuts, magka-harap na BPI at Land Bank, magkaharap na National Book Store at Merriam Webster’s at iba pang mga tindahan na parating magkaharap saan man mapunta sa lawak ng ka-Maynilaan; dito sa paupahang kuwarto kung saan sa aking pag-upo sa tumba-tumba at pakikinig sa pinanonood na telebisyon ng pamilya ng kasera sa ibaba, sa pag-aaliw sa sarili ng mga kuwentong ipinangakong hindi na muling paka-kawalan ng dila, naalala ko ang isang alamat: alamat tungkol sa pagpapatuloy ng kuwento ng Ibalong na naalala ko marahil dahil naubusan na ako ng mga naaalalang kuwentong ligtas sa anumang panganib, sa gitna ng patuloy na businahan ng dyip, traysikel at FX sa nabubungarang kalyeng pinto sa unang palapag; isang alamat tungkol sa kapitang nasagip ang buhay dahil sa isang panata, panatang hindi kailanman mapuputol sa kaniyang angkan ang kuwento ng Ibalong; ang alamat na siyang naging dahilan kung bakit napagpasiyahan kong isulat na lamang ang lahat dahil tuwing magkukuwento ako ay may namamatay. Umaasa akong sa pagtatala nito sa papel, makukuha kong alisin ang kamandag ng kuwento ng Ibalong.

Kaya kanina, tinawid ko ang kalsada, pagkatapos ng mahabang paghihintay na mawalan ng humaharurot na sasakyan ang abalang kalye ng lungsod na ito. Pumunta ako sa katapat na grocery ng inuupahan kong kuwarto upang bumili ng may katangkaran ding kandila, kahit pinagsabihan na ako ng kaserang huwag bumili doon, nang walang idinudugtong na dahilan o paliwanag. Walang naibigay sa akin si Evelyn, ang tindera at katulong ng may-ari ng tindahan, kundi isang pulang kandila na hindi naibenta noong nakaraang Todos los Santos. Biniro pa nga niya ako. Hindi pa naman daw pista ng patay bumibili na ako ng kandila. Nginitian ko na lamang siya at muling tumawid ng kalsada. Hindi na ako nagpaliwanag na may kaugnayan ang kandila sa gagawin kong pagsusulat. Binuksan ko ang kuwarto ko sa ikalawang palapag ng isa sa mga susing nakakawing sa buto ng pili.

Sa lungsod na ito ng mga ilaw, marahil ako na lamang ang gumagamit ng kandila sa pagsusulat sa gabi. Pinawalang-saysay na ng mga Philips at General Electric ang matandang sawikain tungkol sa pagsusunog ng kilay. Wala na ring dapat ipangamba ang mga gamugamo ng bayaning si Jose Rizal na magningas ang sarili sa inaasam na liwanag. Ang pangamba ngayo’y kung alin na ang susundin at aasamin sa napakaraming ilaw sa lungsod. Isang lugar na hindi ko maintindihan dahil ipinagmamalaking hindi natutulog; hindi man tablan ng bangungot, hindi na rin dadalawin ng mga panaginip.

Hindi ako nakakapagsulat sa liwanag ng Philips at General Electric. Nakikita ko ang mesang pinagsusulatan ko, ang maliliit na pulang langgam na tinatalunton ang isang daan na sila lamang, sa kanilang kaliitan, ang nakakakita; ang kusina sa kanan; ang mga nagtatalik na ipis sa ibabaw ng baso habang pinagpipistahan ng iba ang bangkay ng isa sa kanilang kasamahan; ang maliit na kasilyas sa aking kaliwa na pinaninirahan ng mga gagambang hindi ko alam kung ano at ilang disenyo pa ng sapot ang binabalak na gawin; ang kumot sa higaan ko na hindi pa nalalabhan; at ang kaluluwang parating nakaupo kapiling ang makapal na alikabok sa sulok na malapit sa ulunan ng katre, ang kaluluwang siya kong unang nakita pagpasok sa kuwartong ito.

Kapag nakakandila ako, pansamantalang isinasantabi ng dilim ang lahat. Ang nakikita ko na lamang ay ang papel at ang panulat, ang kandila at ang sariling mga kamay. Sa pagsusulat ko sa piling ng kandila, bumabalik ako sa payapang kadiliman ng sinapupunan, bumabalik sa payapang ugoy ng duyan na ipinaaalala sa akin ng galaw ng tumba-tumba.

Hindi pangkaraniwan ang aking silya: isang tumba-tumba. Maaari naman sana akong humingi ng ordinaryong silya sa kasera. Mabait naman sila sa isang beterano ng digmaang tulad ko: sumasahod lamang ng dalawang libo at limang daan buwan-buwan. Kahit wala akong maipakitang pilat ng digmaan maliban sa maliit na galos sa noo, bunga ng pagdaplis ng bala ng Hapon; isang galos na mapagkakamalang kalmot lamang ng pusa o galos sa pagkakabunggo sa isang nakalawit na sanga. Wala na akong ibang maipapakita at maipagmamayabang sa kanila. Wala naman akong ipinagkaiba sa ibang inukitan na ng panahon ang balat ng daan-daang nagsasali-salikop na daan, na kung hindi man napagkakamalang ulyanin at kailangan na muling painumin ng gatas sa ikatitibay ng buto ay iginagalang hindi dahil sa kakilala kundi dahil maputi na ang buhok, uugud-ugod, at nagpapakawala ng kakaibang amoy ng napakahabang tag-araw.

Matanda na nga ako; may karapatan na sa isang silya. Ngunit hindi ko naman maiwanan ang tumba-tumba. Dala-dala ko ito mula pa sa Sagrada. Kahit hindi pantay ang mga paa, hindi ko maaaring kali-mutang sarili kong kamay ang umukit nito. Kaya hindi ko ito ipina-labas, at kung magpapasok naman ng isa pang silya sa loob ng masikip kong kuwarto, mangangahulugang ilalagay ang tumba-tumba sa sulok na kinauupuan ng kaluluwa. Hindi ko iyon magagawa sa kaniya. Alam ko na ngayong kahit ang mga kaluluwa ay nangangailangan din ng lugar para sa kalungkutan nila.

Nagkasya na lamang akong pakinggan ang pag-ooras sa akin ng tumba-tumba. Sa mga paghinto ko sa pagsulat, sa mga pagtitig sa kawalan naririnig ko ang pakatok na pukpok ng tumba-tumba sa sahig. Matanda na ako at ipinamumukha sa akin ng tumba-tumba na mahalaga ang bawat sandali upang matapos kong itala ang mga kuwentong naudlot ang daloy sa panahon sa dulo ng dila ko, sari-sari subalit kawing-kawing na kuwento mula sa pagsala-salabid ng daan-daang buhay at sa mga kuwento ng aking pinakaninuno na ipinasa sa akin sa pamamagitan ng tulay na nilikha ng mga dila at tainga upang papag-ugnayin ang daan-daang salinlahi; mga kuwentong isinalaysay ko minsan kay Boboy sa pag-asang masasagip ko ang kaniyang buhay. Naaalala ko na, ngayon pa lamang, ang nagdaang digmaan ng mga bayani at magkasintahan, mga bagyo at bulkang sumalanta ng mga nayon at pangarap, mga pag-ibig na pinilit, inasam at kinimkim, mga panata at higit sa lahat, sari-saring pananalasa ng kamatayan: lahat dadaan sa papel na itong ganap ang kawalang-bahid na akin nang pinangangambahan, sa katapusan ay magmamana ng dugong kulay ng kandilang tumatanglaw sa aking pagsusulat. 
Sa bawat paglapat ng aking panulat sa papel, humihinto ang tumba-tumba sa pag-ooras sa akin bagaman patuloy ang kandila sa pag-upos sa sarili. Ipinapanalangin ko na lamang na sana matapos na muna ako bago tuluyang maglaho ang liwanag ng kandila at mapilitan muli akong buksan ang mga bombilya sa kisame.

Ayaw kong magsimula sa isang sanggol na umiiyak. Ayaw kong manipat ng katawan para hanapin ang nunal o puyo na magpa-paliwanag ng kapalaran. Ayaw kong manghimasok sa mga sinasabi ng mga bayarang maghuhula upang makita o kahit masilip man lamang ang magiging katapusan. Mas nanaisin ko pang magsimula sa isang pagkamatay, isang pagkakataon upang muling maisilang ang napakaraming maaaring maging buhay. Kaya nagsimula ako kay Estela.

Kinaumagahan ng pagpanaw ni Estela kumalat ang balitang dalawang buhay ang namatay sa kaniyang pagbibigti. Buntis si Estela. Hindi makapaniwala ang kaniyang ina. Nakita kong muling hinahatak ng ina ang katawan ni Estela. Marahil hindi niya gusto ang nakitang mukha sa nakabiting katawan ni Estela. Nangamba ang ama ni Estela, na baka talagang gusto ng kaniyang asawa na maputol ang ulo ng anak upang mapalitan ng mas kilala niyang mukha. Subalit mas pinili ni Estela ang kamatayan kaysa magpalit ng mukha para sundin ang gusto ng kaniyang ina.

Saan pa nga ba pupunta si Estela kung hindi sa gubat. Sa gubat na pumapaligid sa bayan ng Sagrada. Sa gubat na unti-unting isinantabi ng bayan. Ang gubat na siya na lamang nananatili sa minsa’y pagiging nayon ng Sagrada. Ang gubat na kumakalinga sa pamayanan ng mga Agta. Ang gubat na kumukupkop sa bukid na pinagtayuan ko ng kubo nang panahon ng Hapon. Ang gubat na hinahati sa gitna ng kalsadang papuntang Maynila. Ang gubat na pinaniniwalaang pinatu-tunguhan ng mga ligaw na kaluluwa; pinaniniwalaang pinamumugaran ng sari-saring espiritu. Ang gubat na minsang ginawang tagpuan nina Boboy at Estela nang magpaalam sila sa isa’t isa bago siya umalis papuntang Maynila upang mag-aral.

Sinundan ko noon si Boboy sa gubat. Dinaanan ko rin katulad niya ang mga nakalugay na baging na hindi pa nasusuklay na buhok ng mga kahoy; nagpaumanhin sa mga kapreng nananabako sa taas ng malalabay na sanga; nanliit sa mga halamang nagpapalakihan ng dahon; nabansot sa mga kahoy na nagpapataasan; hinugasan ang baga sa basang amoy ng gubat; pinatalas ang pandinig sa mga tuko at pina-pahinga ang mga paa sa kalambutan ng lupa, hanggang sa maaninag ko sa gitna ng dilim ang sulong dala-dala ni Estela. Akala ko noong una na santilmo ang nakita ko. Isang ligaw na kaluluwang hinahanap ang nawawala niyang bangkay. Ngunit hindi ito gumagalaw o tumatalun-talon at hindi putol na kamay ang may-dala kundi ang balingkinitang kamay ni Estela. Pagkakita sa sulo agad pinakawalan ni Boboy ang pangalan ng kaniyang kasintahan.

“Estela!”

Umalingawngaw ito sa kadiliman ng gubat, dumaluyong na parang magkakasunod na alon sa higanteng katawan ng mga puno, gumising sa mga naiidlip na usa, nagpalingon sa mga natutulog na diwata ng umaga, at bumalik bilang kaniyang pangalan.

“Boboy!”

Doon sa gubat, sa dilim, sa piling ng mga ligaw na kaluluwa, doon sila nagbitaw ng kanilang mga pangako.

“Apat na taon lang, Estela!”

“Makakapaghintay ka ba?”

“Pagkatapos ng apat na taon, susunduin kita rito.”

“Pupunta tayo sa Maynila.”

“Kahit saan mo gustong tumira.”

“Hindi lamang sa isang bungalow o sa isang lumang bahay.”

“Sa isang mansiyon.”

“Magiging abogado ka.”

“At ikaw, magiging asawa ko at doktora.”

May ipinagmamalaking pinakamatanda at pinakabagong bahay ang bawat lugar. Sa Sagrada, magkatabi ang dalawang bahay na ito. Pagmamay-ari ng pamilya ni Boboy ang pinakaluma. Panahon pa ng Kastila ang bahay na batong dalawang palapag. Isang bahay ng mga alaala. Nandoon pa rin ang pintong inukit sa narra kahit lumalangitngit na sa kalawang ang mga bisagra. Butas-butas na ang de-kapis na bintana. Hindi na nakayang saluhin ng moldeng pumapalibot sa bahay ang alikabok at duming nakakulapol na at nagpaitim sa makapal na pader na bato. Puno na ng agiw at alikabok ang unang palapag na minsang pinamugaran ng mga manok, pinag-imbakan ng bigas, at pinagtaguan ng mga gerilya upang huwag madakip ng mga Hapon. Natatakpan na ang ilang de-barandilyang bintana sa unang palapag ng isang sari-sari store na nakatayo sa harapan niya. Tahimik na ngayon ang salas na hangganan ng hagdang gawa sa molave na sa nakalipas ay pinagdausan ng di-iilang pista, kasalan, at binyagan. Ganito ang mga alaalang nakapaloob sa bahay kung kaya pati ang kahoy na molave, narra, at yakal ay pawang nawalan na ng sigla; matagal nang hindi nakatitikim ng barnis. Paminsan-minsan halos maaaninag pa rin sa mga sulok ng bahay ng alaala ang anino ng isang Agta. Kung mamasdan sa labas, parang nakapangalumbaba ang bahay na bato. Sa pagdaan ng napakaraming bagyo at lindol gumiray na ito pakaliwa.

Ang alaalang namamahay sa bahay ang nagtulak sa Lola ni Boboy upang maghigpit sa kaniyang apo. Sa pagkakaalam ng mga taga-Sagrada, nasa Amerika na ang ina niyang si Nene. Nakapasa si Boboy sa pag-aaral ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas. Nakita itong pagkakataon ng kaniyang Lola upang maibalik ang panahon na ngayo’y ginugunita na lamang ng bahay.

Ayaw ng mga magulang ni Estela na matulad ang kanilang bahay sa dating mansiyon ng mga Nueva. Pinagbawalan nila ang anak na makipagkita kay Boboy. Mapapalitan ang kanilang bungalow ng dalawang palapag na bahay kapag doktor na si Estela. Pupunuin niya ng mga kasangkapan mula telebisyon hanggang gas range. Pasisikipin ang mga dingding ng mga sertipiko at medalya. Lalagyan ng kama at air-con ang bawat kuwarto. Bubusugin ang mga kabinet at aparador ng mga babasagin at mamahaling pinggan galing sa Tsina at ng sari-saring pigurin.

Walang pagmamay-aring bahay sina Boboy at Estela kaya napagkasunduan nilang sa gubat na lamang magtagpo. Iniwan ko silang naghahalikan. Ang mga labi lamang nila ang magkalapat. Nagkakahiyaan pa silang gamitin ang kanilang mga kamay. Hindi pa nila alam ang paghahalikan nang laman sa laman, ang pagniniig at pagiging isa ng dalawang katawan. Nang makita ng mga kaluluwa sa paligid ang paghahalikan nila, lumayo silang lahat sa liwanag ng sulo ni Estela. Pinaglaho ang mga sarili sa dilim ng gubat. Umiwas silang parang nahiya.

Dumating si Boboy sakay ng bus na parang uod na bigong maging paruparo na lumabas mula sa bilot ng hamog at gabi. Magdamag ang biyahe mula Maynila hanggang Bicol. Aalis kang nakikipagbuno sa dilim ang mga ilaw ng Maynila at darating sa Bicol upang matuklasan na walang dapat ikatakot dahil parati namang natatalo ng araw ang dilim pagdating ng bukang-liwayway.

Nalaman ni Boboy sa isang kababata ang pagpapakamatay si Estela. Ang paalam niya sa kaniyang Lola ay panandaliang bakasyon bago ang panghuling mga pagsusulit. Oktubre noon. Isang linggo bago matapos ang semestre. Nakita ko siyang bumaba sa isang air-con na bus. Mula sa kinatatayuan kong isa na namang sari-sari store sa isang panulukan, nakita kong tila giniginaw si Boboy. Marahil naninibago siya sa hamog na sumalubong sa kaniya. Mainit marahil nang umalis siya sa Maynila. Marahil masyadong malamig ang hangin sa loob ng bus. O baka dahil sa pagkawala ng minamahal, pakiramdam niya’y hubad sa hangin ang kaniyang katawan.

Walang naganap na iyakan. Sinalubong si Boboy ng kaniyang Lola, pati ng bahay ng mga alaala. Ngunit dahil may patay ang kapitbahay nila, hindi makapagsaya si Selya. Tahimik na dumating si Boboy. Nagduda na rin si Selya sa tunay na dahilan ng pag-uwi ng kaniyang apo sa Sagrada. Ngunit wala siyang mapagbuntunan ng sisi kung sino ang nagbulong sa apo niya tungkol sa pagkamatay ni Estela.

Kinagabihan, nakita kong nangapitbahay si Boboy kasama ang kaniyang Lola. Sinundan ko sila upang makiramay din.

May nakita akong manananggal sa bubong ng bungalow nina Estela bago pa man makapasok sa tarangkahan. Nakalulungkot isiping pati ba naman sa kamatayan ay ninanakaw pa rin kay Estela ang kaniyang katawan.

Pinagbabato ko ang manananggal. Subalit lumikha ng ingay ang mga bato sa bubong na yero ng bungalow. Lumabas ang ina ni Estela na nagpuputak na kung sinuman ang walang modo na bumabato sa bubong ay maglubay na dahil baka magising ang kaniyang anak. Nang makita niya ako, sinabi ko na lamang na may mga batang naninirador ng paniki sa liwanag ng buwan, na pinagalitan ko na sila’t pinaalis. Inimbitahan akong pumasok ng ina ni Estela. Nang muli kong tingalain ang manananggal, wala na ito.

Nakaupo na si Boboy pagpasok ko ng salas. Kasintahimik siya ng kapeng umuusok sa kaharap niyang mesa. Kasinlamya rin siguro ng mga nakahaing assorted biscuit ang kaniyang pakiramdam.

Lumapit ako sa kabaong ni Estela bago naupo. Pagdungaw ko sa kabaong, hindi ko alam kung matatawa ako, malulungkot, o maga-galit. Nagtagumpay rin pala ang manananggal. Natangay nito ang katawan ni Estela. Ang ipinalit niya sa katawan ni Estela ay puno ng saging na pinag-anyong katawan ng babae. Ngunit hindi ako maloloko ng manananggal.

Hindi ko isinumbong ang nangyari sa mga magulang ni Estela. Hinayaan ko silang umiyak at magdalamhati sa isang puno ng saging. Sabihin ko man sa kanila ang krimen ng manananggal, ipagdidiinan pa rin nila na anak nila ang puno ng saging.

Hindi na ako nakinig ng misa at sumabay sa prusisyon. Dumiretso na ako sa sementeryo para sa libing. Nakaitim silang lahat. Napakagara ng libingan, ng kabaong, ng karo.

Nang ibinababa na sa hukay ang kabaong ni Estela, nakita ko ang kaniyang kaluluwa. Nakikidalamhati sa libing ng isang puno ng saging. Nilapitan niya si Boboy, niyakap at ipinatong ang ulo sa balikat. Matagal bago siya muling kumilos na parang hindi niya mayakap nang buung-buo si Boboy. Bago siya tuluyang umalis pabalik sa gubat, hinalikan niya si Boboy sa labi.

Hindi ito nakita ng mga nakipaglibing kundi isang itim na paru-parong dumapo sa kaniyang labi. Marahil napakalalim ng kalungkutan ni Boboy kaya hindi man lamang niya itinaboy ang paruparo. Baka hindi man lamang nga niya naramdaman ang pagdapo nito sa kaniyang labi.

Tatlong araw pagkatapos mailibing ang puno ng saging, nawala si Boboy. Noon ko muling nakitang nataranta si Selya. Inilabas niyang muli ang abanikong regalo sa kaniya ng manliligaw na Amerikano bago dumating ang mga Hapon. Wala ako noong mairegalong aba-niko kay Selya kundi pamaypay na gawa sa anahaw. Ubod nang bilis niyang ibinubukas at itinitiklop ang abanikong nagkagula-gulanit na sa pagdaan ng panahon, at kailangan nang bendahan ng tape. Ayaw naman itong bitawan ni Selya dahil labis daw ang init sa Filipinas. Iniregalo ito sa kaniya ng isang Amerikano na naawa sa kagandahan niyang pinagpapawisan sa init ng araw. Ayaw din niyang bumili ng bago dahil baka peke at ginaya lamang. Ang kaniyang pamaypay ay nasisiguro raw niyang minsang wumagayway sa malamig na Amerika.

Dala niya ang abanikong ito sa pambubulabog sa kapitbahayan sa pag-uusisa kung ninakaw nila ang apo niyang muling magpapayaman sa kanila at magdadala sa kaniya sa Amerika, hindi tulad ng kaniyang ingratang anak na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya sinusundo upang dalhin sa Amerika. Hindi pa noon tumitilaok ang mga manok. Dala rin niya ang abaniko sa pagsugod sa himpilan ng pulis at ubod-bilis na ipinaypay sa mukha habang inuutusan ang sampung pulis na naabutan doon na galugarin ang buong Sagrada.

Nang wala nang ibang mapuntahan, pinaypayan niya ang sariling mukha upang alisin doon ang hiya sa pagbali sa ginawa niyang sumpa na hinding-hindi siya hihingi ng tulong sa akin. Matagal na ang pangyayaring nagtulak sa kaniya na magbitiw ng sumpa. Matagal na, ngunit marahil nahihiya pa rin siya dahil ang pagwasak dito’y magpa-pasariwa sa kahihiyang kaniyang dinanas, isang pag-amin na siya lamang ang may kagagawan ng lahat at wala akong kinalaman, dahil kailanma’y hindi ko siya sinabihan na magbitaw ng sumpa. Isang pangyayaring kami na lamang ngayon ang nakaaalam dahil wala na si Bino.

Wala na si Bino. Wala na ang kaniyang asawa.

“Esteban, nawawala si Boboy!”

Pinayuhan ko siyang umuwi na muna sa kanila at papahingahin ang kaniyang abaniko.

Tinanong ko ang mga kaluluwa sa paligid. Wala silang maibigay na sagot.

“Hindi namin kayang tuntunin ang ayaw patunton sa amin.”

Subalit pinayuhan nila ako sa pamamagitan ng isang tanong. Saan pa nga raw ba matatagpuan sa aming bayan ang mga nawawala? Sa gubat, naisip ko noon, sa gubat kung saan walang kalyeng dapat bigyan ng pangalan, kung saan ang sinumang papasok ay kailangang gumawa ng sariling landas sa kasukalan.

Sa gubat pumunta ang kaluluwa ni Estela; sa gubat ko rin natagpuan si Boboy. Gabi na noon. Una kong nakita ang santilmong nagpaalala sa akin ng sulong dala-dala ni Estela. Madali itong mapagma-malikmatahan ni Boboy bilang sulo ni Estela. Hindi nga ako nagkamali at nakita ko si Boboy na bumubuntot sa santilmo. Kahit putol na kamay ang may-hawak ng sulo, sinusundan pa rin niya nang walang takot. Marahil sa paningin niya, ang kamay ni Estela ang may-hawak niyon. Nagalit ako sa santilmo dahil nakuha pa nitong paglaruan ang kalungkutan ni Boboy. Pinaiikot lamang nito si Boboy sa gubat, sa kasukalan. Inililigaw lamang siya. Sinermonan ko ang santilmo. Dahil siguro sa takot na mahuli sa kawalanghiyaan, agad naman nitong pinatay ang dalang sulo. Agad naman kaming nilamon ng dilim ni Boboy.

Saka ko narinig ang kaniyang sigaw. Tinatawag ni Boboy si Estela. Isinisigaw niya ang pangalan nito sa gubat. Ngunit hindi binabago ng gubat ang kaniyang isinisigaw. Inihatid ko si Boboy sa bahay ng mga alaala, sa piling ng kaniyang Lola, sa piling ni Selya.

Akala ko nga noon naibalik ko na kay Selya ang apo niya. Inimbitahan niya ang lahat sa isang pagdiriwang. Naghanda siya ng pagkain. Maaaring makisalo ang kahit na sino. Sinamantala ni Selya ang pagkakataon upang makapagsaya sa pagdating ng apo na hindi niya nagawa nang higit na maaga dahil sa burol ni Estela. Sa mga nagtanong kung bakit ganoon na lamang ang handaan, ang isinagot niya ay isang bersikulo mula sa Bibliya tungkol sa parabula ng nawawalang barya, kahit matagal na siyang hindi nagsisimba.

“Matuwa kayong kasama ko sapagkat natagpuan ko ang nawawala kong baryang pilak.”

Sa gitna ng kasiyahan, nanatili lamang ang barya sa higaan kung saan siya inihimlay ng kaniyang Lola pagdating na pagdating galing sa gubat. Pinagpahinga siya ni Selya hanggang sa abutin ang pama-mahinga niya ng kung ilang araw. Hindi magising-gising ni Selya si Boboy. Napakalalim ng kaniyang tulog. Hindi sumapat ang pagsambit ng pangalan niya upang hanguin ang kaniyang kaluluwa sa kina-hulugang balon ng pagtulog.

Akala ko noo’y naibalik ko na si Boboy kay Selya. Naiwan pala ang kaniyang kaluluwa sa gubat. Sa ikaanim na araw ng pagtulog ni Boboy, sa ibang albularyo na humingi ng tulong si Selya. Nang hindi ko sa kaniya naibalik ang kaluluwa ni Boboy, hindi ko na naman tinupad ang inasahan niya sa akin. Minsan ko na siyang binigo noon. Binigo ko na naman siyang muli ngayon. Sinisi siguro niya ako sa mga pangyayari: na may nagawa sana ako, na may nagawa sana ako nang wala na siyang dapat ilihim nang habambuhay. Ayaw na niyang humingi ng tulong sa akin. Hindi nakayanang paypayin ng abaniko ang hiyang nararamdaman niya, lalo na’t minsan na niyang nabali ang kaniyang sumpa. Hindi lingid kay Selya ang pakikipagpaligsahan sa akin ng ibang albularyo sa aming bayan, lalo na nang dumami ang bumibisita sa akin at nagpapabisita sa kanilang mga bahay. Hindi nila maintindihan na ang hindi pagkakaintindihan lamang ng mga kaluluwa at taga-lupa ang aking ginagamot.

Pagdating ng albularyo, agad na tinapalan nito ng buyo ang noo ni Boboy. Nilalagnat siya. Inimbitahan ako ni Selya na dumalo sa panggagamot kay Boboy. Nais niya sigurong ipamukha sa akin na wala nga siyang maaasahan sa akin. Nais niyang ipamukha sa akin na hindi lamang ako ang albularyo sa bayan ng Sagrada, na wala akong dapat ipagmayabang. Nang hindi umubra ang dapog, sinabi ng albularyo na hindi karaniwang lagnat ang dumapo kay Boboy.

“Lagnat ito ng isang nasasapian.”

Naglabas ang albularyo ng buntot-pagi at rosaryo. Inurasyunan ang katawan ni Boboy at inutusan ang kung anumang sumasanib sa katawan niya na umalis na. Walang nangyari. Nainsulto lamang ang mga utos na binitawan ng albularyo.

Naging marahas ang mga pamamaraan ng albularyo. Idiniin ang rosaryo sa iba’t ibang bahagi ng katawan ni Boboy. Subalit sa halip na magkakakawag ang sumasanib sa katawan ni Boboy sa nakapapa-song init ng rosaryo, nanatili lamang siyang nakahandusay. Himbing na himbing sa pagkakatulog. Nang mawalan na ng pasensiya ang albularyo, hinagupit niya si Boboy ng buntot-pagi. Halos mahima-tay si Selya nang makitang nilalatigo ang kaniyang apo, subalit hindi naman niya maawat. Lumatay ang panlalatigo ng albularyo sa katawan ni Boboy. Mistulang dinaanan ng ahas ang balat nito. Susundan pa sana ito ng isa pang hagupit nang biglang bumangon si Boboy at naupo sa higaan. Tuwang-tuwa ang albularyo at nagpahayag na latigo lamang pala ang kailangan ng demonyong nananahan sa katawan niya.

“Ano ang pangalan mo?”

“Miguel Nueva. Boboy po.”

“Sinungaling!” Hinagupit muli si Boboy ng albularyo.

Hindi na napigilan ni Selya ang sarili sa pag-iyak at ipinakiusap sa albularyo na itigil na nito ang paghagupit sa kaniyang apo.

“Hindi siya ang apo mo. Isang kaluluwa ’yan na gumagamit sa katawan ng iyong apo. Huwag kang palilinlang. Malakas ang kalulu-wang sumapi sa kaniya. Nakukuha pa niyang magsinungaling.”

Walang nagawa si Selya kundi paniwalaan ang sinabi ng albularyo na nagpatuloy sa pagtatanong kay Boboy. Kinausap si Selya ng albularyo at ipinaliwanag dito ang susunod na hakbang na kaniyang gagawin. Gayong napakalakas daw ng kaluluwa at ayaw nitong ibigay ang sariling pangalan, sasakyan daw ng albularyo ang kasinunga-lingang ito upang mabitag niya sa mga tanong.

“Kung si Boboy ka nga, pa’no mo nakayanang matulog nang anim na araw nang hindi kumakain?”

“Pagod po ako.”

“Napagod saan?”

“Binangungot po siguro ako. Hindi ko po kayang magising!”          

“Ano ang naging bangungot mo?”

“Napakarami po. Hindi ko maintindihan. Napakarami nila. Nakita ko po ang sarili ko sa sementeryo. Naglalakad ako papunta sa puntod ni Estela. Madilim pero hindi naman gabi. Alam kong hindi iyon gabi. Pero madilim. Pagkatapos naramdaman ko na lamang na hinuhukay ko ang puntod ni Estela. Basa pa ang semento ng nitso kaya natanggal ko pa ang lapida. Napakalakas ko. Nakaya kong ilabas sa nitso ang kabaong ni Estela. Binuksan ko ang kabaong pero wala roon si Estela. Wala si Estela. Wala po si Estela. Isang puno lamang ng saging ang nandoon. Puno ng saging si Estela. Umiyak ako. Tumulo nang tumulo ang luha ko. Umagos sila nang umagos hanggang sa maramdaman kong may humawak sa balikat ko. Paglingon ko nakita ko si Mama. Sabi ko Mama, Mama puno ng saging si Estela. Pero walang maisagot si Mama. Pinapatahan niya lamang ako nang pinapatahan ng mga kamay niyang punung-puno ng mga titik, ng mga salitang itinato sa balat niya at nang muli kong tingnan si Mama ang buong balat ng katawan niya ay ganoon na rin: maraming nakasulat na mga titik at salita. Nabasa ko pa ang ilan sa kanila. Merong minamahal kong anak, pinakamamahal kong Boboy, ang mga sulat sa akin ni Mama nakatato sa katawan niya. Tinanong ko siya kung bakit napakaraming sulat sa katawan niya. Hindi niya ako sinagot. Malungkot lamang siyang ngumiti saka ko nakitang pati ang mga ngipin niya ay may sulat din. Natakot ako. Kumuha ako ng pambura. Basta kumuha na lamang ako ng pambura. Hindi ko alam kung saan ito nanggaling at pinangiti kong muli si Mama para mabura ko ang mga sulat sa ngipin niya pero pati ngipin niya nabura ko pero hindi ko mapigilan ang sarili ko sa pagbura hanggang pati ang labi niya ay nawala, pati ang mukha niya, wala nang mukha si Mama, nabura. Natakot ako nagsisigaw ako pero wala sa aking makarinig. Dumating si Lola, at sabi ni Lola bakit daw ako umiiyak? Sabi ko kasi puno ng saging si Estela, kasi nabura ko ang mukha ni Mama. Pero hindi ako narinig ng Lola. Sabi niya bakit daw napakainit, pero gabi Lola sabi niya mainit sabi ko hindi mainit hanggang sa dumating ang mga maligno, ang mga lamang-lupa, ang mga aswang napakarami nila hindi ko na alam ang mga tawag sa kanila nagdagsaan silang lahat papunta kay Lola na sumisigaw pa rin ng mainit hinubaran nila si Lola ng lahat ng saplot sa katawan pero sigaw pa rin nang sigaw na mainit, mainit at dumating ang dalawang pangkat ng mga maligno, ang isang grupo singkit at sakang, ang pangalawa ay ginintuan ang buhok at napakaputi. Pinagtulung-tulungan nilang buhatin ang isang dambuhalang abaniko at pinay-payan nila ang Lola, napakalakas ng pagpaypay nila na bumilis nang bumilis hanggang sa naging parang bagyo ang nalikha nilang hangin na umihip kay Lola, papalayo, tinangay si Lola ng mala-bagyong hanging nanggagaling sa dambuhalang abaniko ngunit patuloy pa rin ang sigaw na mainit, mainit, hinabol ko si Lola pero napakabilis ng pagkakatapon niya saka ko nakasalubong si Tiyong Esteban tinanong ko siya nakita n’yo ho ba si Lola na tinangay ng hangin sabi niya oo sabi pa niya nakita niya kung saan bumagsak ang katawan ng Lola tinanong ko siya kung saan sabi niya doon sabi ko saan pong doon sabi uli niya doon at wala akong nagawa kundi paulit-ulit siyang tanungin ng saan dahil wala siyang ibang sinasabi kundi roon.”

Huminto si Boboy sa pagsasalaysay. Dahil hindi naisali ang albu-laryong gumagamot sa bangungot, hinatulan nito ang kuwento ni Boboy ng isang sigaw.

“Sinungaling!” Muling hinambalos si Boboy ng buntot-pagi ng albularyo. Bumagsak si Boboy sa higaan. Sabi ng albularyo nakatulog lamang at malamang paggising nito, ang tunay nang Boboy ang kakausap sa kanila. Ngunit kilala niya kaming lahat. Tiningnan pa niya ako nang banggitin niya ang pangalan ko.

Umuwi ako nang may katiyakang muling matatagalan ang pagtulog ni Boboy at mapipilitan si Selya na muling gamitin ang kaniyang abaniko upang paypayin ang hiya niya sa akin. Alam ko na ang sakit ni Boboy ngunit hindi ko ito masabi noon kay Selya dahil ayaw kong muli siyang mapahiya.

Nagdaan ang isang araw at hindi pa rin nagigising si Boboy. Nagtawag ang albularyo ng isang apag. Labis daw na malakas sa kaniya ang sumasanib sa apo ni Selya. Hindi niya ito kayang palayasin nang sapilitan. Hahandugan niya ng pagkain ang sumasanib kay Boboy. Hihingan ito ng tawad sa kung ano mang nagawa ni Boboy sa kaluluwa kaya siya sinapian. Sa salu-salo, magpapatawaran sila at lilisan nang mapayapa ang kaluluwa.

Kinuha ni Selya ang perang naipon niya sa bangko. Kailangang maging magarbo ang handaan upang mahikayat ang kaluluwang umalis sa katawan ni Boboy. Nagpatumba si Selya ng isang baka at tatlong baboy. Hindi rin nakaligtaan ang buhay ng sampung forty-five days. Halos nawalan ng gulay sa palengke. Kinontrata ni Selya ang mga sikat na maglalatik at tagapagluto ng suman sa Sagrada. Nang dumating ang gabi ng apag, ang kabuuang handa ay nangai-langan ng isang napakahabang dulang na daig ang ginagamit sa mga kasalan, pati ang presidential table na ginamit sa panunumpa ng mayor.

Dahil halos maglaway na ang albularyo sa sarap ng pagkain, sinimulan kaagad ang orasyon para sa apag. Itinakda ng albularyo, sa pamamagitan ng isang bendisyon, ang lawak at layo ng lugar na kasasakupan ng kapangyarihan niya. Pinayuhan niya ang mga sasali sa apag na huwag lalabas sa itinakdang lugar kung hindi ay mabubuksan ang mga mata nilang binulag ng albularyo nang hindi makita ang di-iilang espiritung makikidalo sa apag. Malimit mangyaring saniban ng mga espiritu ang mga nakakakita sa kanila. Binawalan na rin ng albularyo ang mga kasali na itigil na ang pag-amoy sa pagkain dahil ang amoy ang pinagsasaluhan ng mga kaluluwa. Sa bantang ito, ang mga nakisali sa apag ay halos hindi na huminga sa takot. Pagkatapos ng lahat ng paghahanda, inimbitahan na ng albularyo ang mga kaluluwa sa paligid na lumapit sa hapag-kainan. Nasa harap din ang nakalupasay na katawan ni Boboy na inihiga sa banig.

Nahuli ako noon sa pagdating sa apag. Sinadya ko ito dahil ayaw kong pabulag sa albularyo. At bago pa man niya ako pagbawalan, pumasok na ako sa sakop ng kaniyang bendisyon. Nakita ko ang mga nagsisidatingang kaluluwa. Sabi sa akin ng albularyo bahala raw ako kapag sinapian ako. Ngunit mga kaibigan sila, sagot ko naman sa albularyo. Naroon nga’t kumakain nang matiwasay, gamit ang dala nilang mga kubyertos, ang mga kaluluwang laging tumutulong sa akin sa panggagamot. Mayroon din namang mga kaluluwa na sa kapilyuhan ay nag-aanyong mga kalansay sa pagdalo sa kainan. May nakaluwa ang mga mata. Ang hindi ko inaasahang dadalo noon sa apag ay ang kaluluwa ni Severino na hanggang sa panahong iyon ay nangangamoy tuba pa rin at si Lope na hanggang sa kamatayan ay maputik pa rin ang mga kamay at mapula pa rin sa nganga ang mga ngipin at gilagid. Maging si Benjamin ay dumalo. Duguan ang kaniyang dibdib kung saan siya nabaril. Naroon silang tatlo, pinalilibutan ang natutulog na katawan ni Boboy sa halip na makisalo sa handaan.

Nilapitan ko sila.

Sinalubong ako ni Benjamin. “Tulungan mo siya, Tiyong Teban. Ikaw ang mas may kapangyarihan. Buhay ka pa. Mga kaluluwa na lamang kami.”

“Alam mong hindi ko iyan magagawa hangga’t hindi ako pinahi-hintulutan ni Selya.”

Natapos ang apag nang walang lumalabas na demonyo sa katawan ni Boboy at hindi siya nagigising. Nag-uwian na ang kaluluwa at maligno. Ang nakidalo namang mga tao sa apag ay naghanda na ng mga bunganga sa pagngasab sa tira ng mga kaluluwa. Aakalaing walang nagalaw sa pagkain. Ngunit naubos lahat ng mga kaluluwa. Hindi ako nagtaka nang magreklamo ang mga tao na walang kalasa-lasa ang mga inihaing pagkain sa handaan. Umalis na lamang ako habang patuloy nilang nilalamon ang pagkain sa ibabaw ng mga reklamo. Nang sumunod na araw dinalaw ako ni Selya. Hindi pa rin nagigising si Boboy. Tuluyan na niyang binawi sa harap ko ang sumpang hindi na muli siya hihingi ng tulong sa akin.

Pinigilan ko dapat siya. Sinang-ayunan ko na lamang sana ang bisa ng kaniyang sumpa. Hindi na sana nangyari ang hindi dapat mangyari. Ngunit wala akong ginawa kundi ang makinig. Dahil sa harap ni Selya parati na lamang akong walang nagagawa.

Nangako naman akong susubukang gamutin ang apo niya. Ngunit nagpataw ako ng ilang kondisyon. Dadalhin ko si Boboy sa tagong kubong nakatayo sa bukid na kinukupkop ng kagubatang pumapalibot sa Sagrada. Doon ko siya gagamutin. Walang sinumang sasama sa amin. Walang bibisita. Hiniling ko kay Selya ang buong pagpapaubaya sa mga kamay ko ng kalagayan ni Boboy. Pumayag naman siya agad. Wala na siyang ibang magagawa.

“Bakit kailangang sa bukid pa?”

Hindi ko noon sinagot si Selya. Hindi ko na sinabing nais kong ilayo si Boboy sa lugar na iyon kung saan nagnanais ang mga magulang na palitan ang ulo ng kanilang anak, kung saan maraming mag-nanakaw ng bangkay. Wala akong ibinigay na paliwanag kay Selya tungkol sa karamdaman ni Boboy. Sinabi ko na lamang na nagkamali ang albularyong binayaran niya; na walang sumanib sa katawan ni Boboy. Paano ko sasabihin kay Selya na si Boboy ay maaaring biktima na rin ni Oryol? Ang mga hagupit sa kaniya ng albularyo ay nag-anyong parang kaliskis ng higanteng ahas na nagpaalala sa akin sa lubid na ahas na kumitil sa buhay ni Estela.

Pinanindigan ako ng balahibo. Biglang lumamig ang paligid. Tiningnan ko ang kandila. Mapayapa nitong nilulusaw ang sarili. Walang hangin. Matagal bago ko nalaman kung bakit. Inaninag ko sa dilim ang kaluluwa sa sulok. Wala akong nakita roon kundi ang dambuhala kong aninong nakapagkit sa dingding, na nakapagpaalala sa akin sa aninong nasa bahay ng mga alaala. Nasa likod ko pala ang kaluluwa. Binabasa niya ang isinusulat ko. Marunong siyang magbasa; siguro’y may pinag-aralan siya noong nabubuhay pa.

“Magpatuloy ka. Huwag mo akong intindihin.” Bulong niya sa akin.

“Ano ang pangalan mo?”

“Pangalan?”

Ako ang pipi sa aming dalawa. Isinusulat ko sa papel ang nais sabihin sa kaniya, nang mabasa niya. Sinasagot niya ako sa pama-magitan ng mga pagbulong. Hindi niya matandaan ang kaniyang pangalan. Kailangang isulat ang mga sagot upang makasiguro akong tama ang aking narinig. Ayaw kong magsalita dahil baka biglang maputol ang aming pag-uusap. Baka biglang hindi kami magka-intindihan. Kailangang isa lamang ang magsasalita. Ganoon parati kapag nagpapakilala pa lamang sa akin ang kaluluwa. Natutuwa siya? Oo, natutuwa siya. Hindi man maalala ang sariling pangalan, sa pakikipag-usap sa akin sa pagsusulat ko, maaari pa rin siyang maging bahagi ng mundo ng mga buhay kahit matagal na siyang patay.

“Bakit nananatili ka sa kuwartong ito?”

“Dito ako nagpakamatay.”

Hindi niya maalala kung paano siya nagpakamatay. Walang markang makikita sa kaniyang kaluluwa na maaaring magbigay ng palatandaan kung paano siya nagpakamatay. Lalong hindi niya alam kung bakit siya nagpakamatay. Wala raw siyang maalala. Ni hindi nga niya tiyak kung nagpakamatay ba talaga siya. Ipinagpalagay na lamang niyang dito siya sa kuwarto nagpakamatay dahil ito lamang ang naiisip niyang paliwanag kung bakit hindi niya maiwan-iwan ang lugar.

Bumalik na lamang ang kaluluwa sa sulok kapiling ng mga alikabok. Ipagpatuloy ko na lamang daw ang pagsusulat.

Ipinahatid ko si Boboy sa kubong pinagtaguan ko noong panahon ng Hapon. Walang maibigay na payo ang mga kaluluwa sa paligid kung paano siya maaaring gamutin. Ang sakit niya’y hindi sanhi ng hindi pagkakaintindihan sa mundo ng mga kaluluwa. Noon ko naisip na ang gamot ay manggagaling mismo sa sarili niyang pagpapasiya. Alam ng katawan kung kailan kailangang kumain. Alam ng isip kung kailan maaari nang makaintindi. Siya rin ang magpapasiya kung kailan gagaling. Nais ko lamang ilayo si Boboy sa bayan. Nais ko lamang siyang alalayan sa pagpapadaloy ng panahon. Hindi niya iyon maga-gawa sa kabayanan ng Sagrada.

Nauna ako sa kanila sa kubo. Nais ko munang tingnan kung maayos pa ang kubo at kung maaari pang tirhan. Haligi na lamang ng kubo ang natitirang matibay nang datnan ko. Maraming taon na nga ang nakalipas sapul ng panahon ng Hapon. Maraming taon na ngunit nang ihatid nina Selya si Boboy akala ko’y muling may dinadalang sugatang sundalo sa kubo ko. Isang sundalong nabaril, nabayoneta o kaya’y natapunan ng granada. May katarikan din ang daan papunta sa kubo. Dahil wala pa ring malay si Boboy, ginawan nila ng kamilya para maayos siyang madala. Nakumpuni ko na ang kubo pagdating nila. Meron na muli ng bubong na nipa. Ginawa ko nang kawayan ang dingding. Mula sa malayo, makikitang muling nagkaroon ng laman ang inabutang kalansay nang kubo.

Inasahan ko na ang muling pagtatanong ni Selya kung paano ko gagamutin si Boboy. Hindi ko na ipinaliwanag na wala akong gagawin kundi bantayan lamang siya. Akala ko nga noon ay iyon lamang ang gagawin ko: na babantayan lamang siya, pakakainin kung kailan nagugutom, sasamahan sa pagtulog kung lumalatag na ang dilim sa paligid. Ngunit sa pagbabantay sa kaniya, hiningan niya ako, isang gabi, ng isang kuwento. Kuwentuhan ko raw siya. Hindi ko alam noon kung ano ang ikukuwento sa kaniya. Kahit ano raw. Huli kong pagkukuwento bago iyon ay ang pagsasalaysay ko ng kasaysayan ng pamilya Nueva sa kaniyang nanay, kay Nene, na hindi naging maganda ang kinalabasan. Bigla na lamang namaalam si Nene sa Sagrada at nawala. Katulad ng bigla na lamang pagkawala ni Baltog, ang unang bayani sa kuwento ng Ibalong.

Kaya ko naalala ang kuwento ng Ibalong. Noon ko lamang muling naalala, dahil sa pagsisisi sa biglang pagkawala ni Nene. Ang kuwento ng matandang Bicol. Ang alamat ng kaniyang mga kabundukan at kagubatan. Ang alamat ng mga lugar, karagatan, ilog, lawa, at mga bulkan. Wala na akong maikuwento kay Boboy at ito na lamang ang ikinuwento ko sa kaniya. Naisip ko noong marahil ito ang maka-pagpapagaling sa kaniya. Ito ang hinahanap ng kaniyang katawan. Nagbibigay na ito ng paunawa kung paano siya maaaring gamutin.

Iba Pang Mga Kabanata

Kabanata 2: Nagsimula sa Panahon ng Yelo
Kabanata 3: Sa Ilog, mga Lilang Takay
Kabanata 4: Sa Pagdagsa ng mga Prutas
Kabanata 5: Ang Alamat ng Mirasol
Kabanata 6: Estela Maris, Estela Luna
Kabanata 7: Mater Dolorosa
Kabanata 8: Liwanag at Dilim
Kabanata 9: Mga Alitaptap na Nahuli ng Hamog
Kabanata 10: Ang Ulan ng mga Bala
Kabanata 11: Pag-iisang-dibdib, Paglilibing
Kabanata 12: Ang Bugtong ng Nganga
Kabanata 13: Ang Himala ng Birhen
Kabanata 14: Mga Bahay sa Gitna ng Bagyo
Kabanata 15: Agua de Mayo
Kabanata 16: Buwan ng Puso at Kabaliwan
Kabanata 17: Ang Higanteng Musuleo
Kabanata 18: Ang Sandali ng mga Mata
Kabanata 19: Ang Alamat ng Lilang Takay
Kabanata 20: Mga Pag-uwi

Taga Pili, Camarines Sur, si Alvin B. Yapan ay nagtuturo sa Kagawaran ng Filipino ng Pamantasang Ateneo de Manila. Naging kabilang siya ng 26th at 33rd U.P. Writers Workshop sa Baguio (1996) at Los Baños (1998), at ng Heights Annual Writers Workshop (1996). Nagkamit ng pagkilala ang kanyang maikling kuwento sa Dean's Award for the Arts for Creative Writing ng Ateneo de Manila (1997), Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (1997, 2002, 2003), at NCCA (National Commission on Culture and the Arts) Writer's Prize (2005). At Nabulag ang Tagapagsalaysay ang pamagat ng unang koleksiyon ng kanitang maiikling kuwento nsa kabilang sa Ubod New Authors Series ng NCCA.

0 Review(s):